Babae kami
Hindi pagkaing sa mesa ihahain
Babalatan, hihimayin
Pampuno ng tiyan
O bagay lang sa basurahan...
Babae kami
Hindi manikang
Lalaruin, huhubaran
Bibihisan, ikukulong sa kuna
O ididisplay sa eskaparate.
Babae kami
Hindi lupang dudungkalan ng tanso
Hiyas at ginto
Tatamnan at iiwanan
Pagkatapos ng ani
Hahayaang magputik
Aapak-apakan o gagawing
Kandungan ng mga kalansay.
Babae kami
Tao rin naman
Hindi robot o basahan
Hindi kaserola o kubeta
Hindi panaginip na walang isip
O imahen na hahabulin
Sa lumilipad na ulap.
Babae kami
Nagluluwal ng sanggol
Na tagapagmana ng mundo
Marunong kaming umaninag
Ng hugis sa araw at gabi
Marunong maghimay
Ng kulay ng bahaghari.
Babae kami
Marunong sumalo
Sa mga kaluluwang babagsak
Sa pusong maalalahanin
Marunong lumaban
At magwasto ng baligtad
Habang naghahardin
Sa ikagaganda ng daigdig.
No comments:
Post a Comment