
SEATTLE’S BEST MOA…
Di ko maintindihan lately ang nararamdaman ko. Sa sobrang dami ng pumapasok sa utak ko na pakiramdam ko magrarally na sya sa Plaza Miranda. May mga pangyayari sa buhay ko ngayon na di na kayang ipaliwanag kahit ng pinakamatalinong taong kilala ko. (buhay pa po yung taong matalino). Sinubukan ko na rin magpatingin sa espesyalista baka sakaling maibigay nila ang kasagutang bumabagabag sa kaloob looban ng isip ko, ngunit sila man ay bigo rin. Naglakad-lakad ako. Nagmuni-muni at sa haba ng nilakad ko, sa wakas may natisod akong paraan para maipaliwanag ang kaguluhang nagaganap sa utak ko. Sa katunayan di lang isa, kundi isang dosena at isa…
1. hindi dapat hinahanapan ng paliwanag ang mga nararamdaman ng puso dahil ito ay magiging katulad nalang ng sipon na tumutulo kahit na di ka suminga.
2. huwag pagkaabalahan ang sangkaterbang idinidikta ng isip dahil malamang sa malamang magiging kaklase mo si Senadora Santiago at sabihin mo na ring “I lied..hahahha!”
3. itapon sa kawalan ang mga walang kwentang iniisip dahil makakabara lang ito sa daloy ng trapiko sa EDSA.
4. mas makakabuting tumingin sa kawalan dahil nakakapahinga ang utak kaysa tumingin sa harapan na puro kaplastikan ng mundo ang dumaraan.
5. ipikit ang mata kung di ito ginagamit para di agad tumakbo sa utak ang mga nakikita na malamang maging sanhi ng sangkaterbang muta.
6. mas cool ang tumambay ng walang kausap kaysa pumagitna sa huntahang payabangan lang naman ang babagsakan.
7. uminom ng kape na walang asukal para maramdaman ang pait at tumigil ang pag-iisip ng matatamis. (parang walang konek, pero isama na din)
8. sumakay sa aircon na bus at sabay sigaw ng INIT!! Wala na bang ilalakas yan!?
9. humanap ng kausap na kahit na anong sabihin mo wala kang makikitang reaction sa mukha kundi umayon lang sa lahat ng sasabihin mo. (maraming ganyan ngayon)
10. magtulog-tulugan sa jeep para makalimutan ng driver na di ka pa bayad sabay baba.
11. humiga sa gitna ng riles ng mrt para mapansin ka at maka-upo sa wakas.
12. maghanap ng katextmate na walang ginawa kundi magforward ng mga forwarded ding messages.
13. maglub-lub sa ilog pasig at wag na magbanlaw para maramdaman mo kung gaano kabaho sa Pilipinas
natuyo na ang utak ko para na itong lupang inabot ng el nino at di na nagpa-function. Sabi nga ng kaibigan ko, kailangan daw laging hahasain ang utak para di ito kalawangin. Na-imagine ko lang kapag kinalawang ang utak ko, para na din akong dead man walking noon. Hahahhaha!
MORAL LESSON : IWASANG MANOOD NG TELENOBELA DAHIL ISA ITO SA MGA NANGUNGUNANG DAHILAN PARA KALAWANGIN ANG UTAK NIYO.